4Ps pay-out nagsimula na sa mahigit sampung bayan sa Lambak ng Cagayan
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Abril 5 (PIA) – – – Pinasimulan na ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ang pay-out ng cash grants para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa mahigit sampung bayan ng rehiyon nitong ika-25 ng Marso.
Ito ay kasunod ng pagpasok ng kanilang grants sa indibidwal na cash cards mula sa Land Bank of the Philippines (LBP).
Kabilang sa mga bayang ito ang Aritao, Bagabag, Dupax Del Norte, Dupax Del Sur, Santa Fe, Villaverde at Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya samantalang sa Aurora, Ilagan, Luna, Cauayan at Cabatuan naman sa Isabela.
Ayon kay 4Ps Regional Program Coordinator na si Vicenta Pamittan, higit na pinaghandaan ng mga Municipal Operations Office (MOO) sa mga bayang ito ang isinagawang pay-out upang mapanatili ang pagsunod sa mga alituntunin ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) katulad ng physical distancing, paggamit ng face mask at alcohol o sanitizer sa mga pay-out.
“Malaki ang suporta ng lokal na pamahalaan mula barangay hanggang munisipyo sa pagsasagawa ng pay-out na ito. Sa katunayan, sila pa ang nagboluntaryong magbigay ng sasakyang magdadala ng mga benepisyaryo sa pay-out venue at nariyan din ang mga barangay tanod upang mapanatili ang kaayusan at malimitahan natin ang dami ng mga taong magpupunta rito,” ani Arnold Birung, municipal link ng Aritao, Nueva Vizcaya.
Sinisiguro naman ng ahensiya na sa susunod na mga araw na rin magkakaroon ng pay-out sa iba pang mga bayan, ang kailangan lamang ay makipag-ugnayan ang mga benepisyaryo sa kanilang mga municipal link para sa iskedyul at sumunod sa mga alituntunin ng ECQ.
Ayon kay Jeanet Antolin-Lozano, information officer ng DSWD, tinatayang 91,942 na mga kabahayan mula sa 4Ps ng rehiyon ang tumanggap ng kanilang cash grants sa pamamagitan ng kanilang Land Bank EMV Cash Cards.
Ang cash grants na sinasakop ng Period 6 (P6) ay mula sa resulta ng kanilang pagsunod sa mga kondisyon sa edukasyon at pangkalusugan ng programa mula December 2019 hanggang January 2020.
Isa si Agnes Q. Gulla, isang parent leader ng Brgy. Malasin, Dupax Del Norte ang maagang nakakuha ng grant sa tulong ng kanyang Municipal Link.
Aniya “Maraming salamat, at kahit sa ganitong sitwasyon (Enhanced Community Quarantine) na nangyayari ay tuloy pa rin ang tulong pinansiyal ng DSWD sa aming pamilya.”
Samantala, tiniyak ng tagapamahala ng Land Bank of the Philippines na mananatiling bukas ang kanilang mga Automated Teller Machine upang makapagserbisyo sa mga 4Ps hindi lamang sa mga pribadong kliyente. (MDCT with reports from DSWD-2/PIA-2)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038139