Ayuda para sa mga maliliit na negosyo, inilunsad
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, April 24 (PIA) – – Inilunsad kamakailan lamang ng amahalaan ang Small Business Wage Subsidy (SBWS) Program para ayudahan ang mga maliliit na negosyong kapos sa pera para mapanatili ang kanilang mga empleyado habang ipinapatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ). Ang SBWS ay ipinapatupad ng Department of Finance sa pamamagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Social Security System (SSS).
Layon ng SBWS na magbigay ng ayuda sa 3.4 milyong empleyado ng 1.5 milyong small businesses nationwide na apektado ng quarantine.
May kabuuang P51 bilyong ang inilaan sa programa. Ang halaga ng ayudang matatanggap ay mula P5,000 hanggang P8,000 bawat empleyado bawat buwan na ibibigay sa dalawang tranches.
Dito sa Lambak ng Cagayan, na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino, ang mga kwalipikadong empleyado ng apektadong maliliit na negosyo ay makakatanggap ng P5,500.00 bawat buwan (Mayo at Hunyo).
Ang mga DOLE CAMP beneficiaries kung sila ay qualified sa SBWS ay maaari pa ring makatanggap ngunit mababawasan ang pangalawang tranche ng P5,000 dahil natanggap na ito mula sa DOLE CAMP.
Sa panig ng BIR, kwalipikado ang mga small businesses o lahat ng hindi kasama sa listahan ng BIR Large Taxpayers Service (LTS), at kung sila ay napilitang magsara pansamantala, o nagsuspinde ng trabaho dahil sa ipinapatupad na quarantine.
Lahat ng apektadong small businesses ay tutulungan, ngunit ang pangunang makakatanggap ng ayuda ay ang mga sumusunod sa mga patakaran ng BIR at SSS.
Ang unang hakbang ay beberipikahin ng employer kung pre-qualified ang kanyang small business. Gamit ang internet connection, sasadyain ang BIR website (www.bir.gov.ph) at i-click ang SBWS icon sa kaliwang bahagi ng BIR homepage. I-enter ang 9-digit TIN sa Search field ng tuloy-tuloy. Pagkatapos ilagay ang TIN, i-click ang “Search” button sa kanan ng Search field.
Kung kwalipikado, may lalabas na green prompt kasama ang detalye ng registered name at passcode. Kopyahin ang passcode na siyang gagamitin para makapag-apply sa SBWS. Kapag hindi kwalipikado o mali ang TIN na nailagay, maglalabas ng red prompt ang system. Sa dakong ito kung may katanungan tungkol sa eligibility criteria, magpadala ng email sa SBWS_BIRquery@bir.gov.ph na may kasamang impormasyon: TIN; registered name or business name; RDO kung saan rehistrado; at mensahe.
Simula Abril 23, 90.31% na ng pre-qualified employers ang naabisuhan ng RDO No. 13-Cagayan-Batanes sa pamamagitan ng email na isinumite sa BIR ng mga kwalipikadong employers. Ang natitirang porsiyento ay ihahatid ng mga revenue officers ng distrito sa mga LGUs na tutulong upang maiabot ang selyadong notification letter sa mga employer na walang email na binigay sa BIR.
Pagkatapos makuha ang passcode ay pumunta na sa www.sss.gov.ph para maglog-in sa My.SSS account. Sa puntong ito ay SSS na ang mamamahala sa aplikasyon ng employer.
Dapat siguraduhin ng mga kwalipikadong employer para sa SBWS program na mag-apply sa SSS website gamit ang kanilang My.SSS accounts. Ang mga aplikasyon ay tatanggapin ng SSS mula April 16 – 30, 2020. Maaaring mag email sa SBWSQueries@sss.gov.ph o gamitin ang fb.com/SSSPh para sa mga SSS inquiries lalo na kung patungkol sa kwalipikasyon ng mga empleyado. (ALM/PIA-2/REYMARIE T. DE LA CRUZ, Revenue District Officer, Revenue District Office No. 13-Cagayan/Batanes)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1039925