Batangas SP nagpasa ng ordinansa kontra diskriminasyon sa mga frontliners
LUNGSOD NG BATANGAS, Abril 23 (PIA) –Nagkaisang ipinanukala at ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang ordinansa kontra sa diskriminasyon sa mga frontliners sa lalawigan noong ika-3 ng Abril.
May titulong “Ordinance Prohibiting and Penalizing Any Form of Discrimination Against a Person Infected and Recovered, Under Monitoring or Investigation Due to COVID-19 Virus, Medical and Non-Medical Frontliners During the Public Health Crisis,” ang Provincial Ordinance No. 004 series of 2020 ay ipinagbabawal at nagpapataw ng kaukulang parusa sa anumang uri ng diskriminasyon laban sa mga taong iniimbestigahan, may sakit o gumaling sa sakit na COVID-19 at maging sa mga medical at non-medical frontliners habang umiiral ang pandaigdigang pandemya.
Kabilang sa mga itinuturing na frontliners ang mga pribado at pampublikong doktor, nurses at iba pang medical personnel at volunteers, hospital workers tulad ng administrative staff, janitors at security personnel, mga opisyal at kawani ng pamahalaang lokal at nasyunal na tumutupad ng kanilang tungkulin, emergency responders tulad ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross, Barangay Health Emergency Response Team, mga empleyado ng funeral parlors, medical supplies at iba pa.
Ilan sa maituturing na mga diskriminasyon laban sa mga frontliners ang mga sumusunod: hindi pagbibigay ng kaukulang serbisyo saan man na bukas para sa publiko; posting sa social media o pagkakalat ng balita ukol sa isang taong infected o under investigation or monitoring dahilan sa COVID-19 maging ito man ay kumpirmado; hindi pagpapasok sa mga pampubliko at pribadong establisimyento,pasilidad o paggamit ng transportasyong pampubliko; pagpapaalis o hindi pagtanggap sa mga apartments, hotels, lodging house, inn, dormitory at maging ang mga pagbabantang pisikal, mental o verbal.
Sinumang mapapatunayang nagkasala batay sa ordinansa ay papatawan ng kaukulang multa kung saan sa First Offense ay multang P1,000 at pagkabilanggo mula isa hanggang 30 araw. Sa ikalawang paglabag multang P3,000 at pagkabilanggo ng isa hanggang 30 araw at sa Ikatlong paglabag multa na nagkakahalaga ng P5,000 at pagkakakulong ng isa hanggang 30 araw.
Ang ordinansa ay inisponsoran nina 5th District Board Member Ma. Claudette Ambida; 4th District Board Member Atty. John Patrick Gozos; 3rd District Board member Atty. Jhoanna Corona at 2nd District Board Member at co-sponsor naman ang iba pang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.(BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangaswith reports from PIO PROVINCE)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1039800