Cagayan Valley, sasailalim sa General Community Quarantine simula May 1
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Abril 25 (PIA) – Ang limang lalawigan dito sa Lambak ng Cagayan ay sasailalim na sa ‘new normal’ o ‘General Community Quarantine’ (GCQ) simula Mayo Uno batay na rin sa inapbrubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na rekomendasyon ng Inter-Agency Task on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kahapon.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya ay nasa hanay ng ‘orange’ or ‘moderate risk areas’ sa ilalim ng GCQ. Aniya, sasailalim pa rin sa reevaluation ang mga ito kung tuluyan ng ipapatupad ang GCQ o mananatili pa rin sa ECQ.
Ang mga lalawigan naman ng Batanes at Quirino ay nasa hanay ng ‘low risk areas’ kung saan luluwagan nang kaunti sa gagawing GCQ simula Mayo Uno.
Sa ilalim ng GCQ, ang mga manggagawa at mga sektor na kabilang sa Category I, II at III ay papayagang magtrabaho subalit kailangang magpatupad ng ‘work in phase’.
Ang mga kabilang sa Category I ay: (1) Agriculture, Fishery at Forestry; (2) Food manufacturing at lahat ng supply chain nito, kabilang ang ink, packaging at raw materials; (3) Food Retail gaya ng supermarket, public at private market, restaurants sa kondisyong take out at delivery lamang; (4) mga pasilidad pangkulusugan gaya ng mga ospital, pribadong pagamutan at drugstrores; (5) mga nagbibigay ng logistics services, water services; energy services, internet at telecommunications services; at (6) media.
Ani Roque, pinapayan na magbukas ng 100 percent ang mga kabilang sa Category I.
Ang mga kabilang naman sa Category II ay papayagan na magbukas mula 50 % hanggang 100 %. Ito ay mga industriya ng: (1) iba pang manufacturing industry electronics at exports; (2) e-commerce kabilang ang delivery ng ‘essential’ at ‘non-essential items’; (3) repair at maintenance services; at (4) housing at office services.
Kabilang din sa Category III ang mga financial services, BPO, iba pang non-leisure wholesale at retail trade at iba pang non-leisure services subalit ang opsiyon ay papayagang magbukas sa scheme na 50 percent ‘onsite’ at 50 percent ‘work from home’.
Papayagan na ring lumabas ang mga mamamayan kung ang sadya ay bibili ng mga pangangailangan ngunit ang mga may edad 21-taong gulang pababa at mga may edad 60-taong gulang pataas kabilang ang mga may high health risk ay kailangang sundin pa rin na manatili sa loob ng bahay.
Papayagan ang mga Higher Education Institutions (HEIs) na ituloy ang kanilang klase para tapusin ang nalalabi sa kanilang kasalukuyang academic year at mag-issue ng credentials sa mga estudyante batay sa guidelines na naaayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Ang mga kinokonsiderang ‘priority’ at mahahalagang construction projects ay maaari nang magpatuloy batay sa guidelines na ilalabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Maaari nang pumasada ang pampublikong transportasyon subalit kailangan bawasan ang kapasidad nito batay sa guidelines ng Department of Transportation (DOTr) at papayagang mag-operate ang mga paliparan at pantalan para lamang sa pagbyahe ng mga kalakal.
Inatasan din ang mga local government unit (LGUs) na magpatupad ng curfew sa gabi para sa mga hindi manggagawa.
Samantala, nirekomenda na ang pagbubukas ng klase para sa elementarya at high school ay sa Setyembre.
Hindi pa rin bibigyan ng awtoridad na magbukas ang mga establisyemento na ang serbisyo ay gaming, fitness, turismo at palaruan ng mga bata.
Hindi pa rin papayagan ang lahat ng uri ng ‘mass gathering’ kabilang ang mga religious conference.
Bagamat, may opsiyon na magbukas ang mga mall, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ito ay limitado lamang. (MDCT/PIA-2)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1040021