Lalawigan ng Quezon, isinailalim sa extreme ECQ
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, April 17 (PIA)–Isinailalim sa extreme enhanced community quarantine (EECQ)ang buong lalawigan ng Quezon makaraang madagdagan pa ang bilang ng mga taong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID)-19.
Ang EECQ na nakapaloob sa Executive Order No. 21 na nilagdaan ni Quezon Governor Danilo Suarez ay sinimulan noong Abril 9, 2020 at matatapos sa Abril 30, 2020.
Sa pagsasailalim sa EECQ ng buong lalawigan, hindi basta-basta makakalabas at makakapasok ang sino man na walang permit at travel documents gayundin ang mga nasa bawa’t munisipalidad/siyudad at kailangan ang travel clearance mula sa LGU.
Mahigpit ding ipinatutupad ang home quarantine kung saan makalalabas lang ng bahay ang isang miyembro ng pamilya para bumili ng pagkain at gamot sa pamamagitan ng quarantine pass na naaayon sa itinakdang oras at mga araw ng paglabas.
Tatlong metro na rin ang social distancing sa mga palengke, sari-sari store at mga bangko.
Bukod dito, mahigpit na ring ipatutupad ang paggamit ng facemask gayundin ang curfew hours mula ika-8 ng gabi hanggang ika-5 ng umaga upang makaiwas sa pagkalat ng COVID-19 ang mga lokal na residente.
Patuloy ding ipinagbabawal ang mga pagtitipon, pagtambay sa mga tindahan gayundin ang pamamasada ng mga publikong sasakyan.
Samantala, base sa pinakabagong update na inilabas ng Quezon Public Information Office as of April 16, may naitalang 41 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Quezon, tatlo ang confirmed cases recovered and cleared, at anim na confirmed case deaths.
Sa nabanggit na bilang ng mga confirmed cases, nangunguna ang Lungsod ng Lucena sa may pinakamaring kasong naitala, 14 na kaso, pangalawa ang Lungsod ng Tayabas na may naitalang 7 kaso, at pangatlo ang bayan ng Candelaria na may apat na kaso. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038809