Mahigit 500 container ng bigas, seafood ipinamahagi ng BOC

LUNSOD QUEZON, Abril 11 (PIA) — Nag-donate ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit 500 containers ng bigas at mga lamang-dagat para ipamigay sa mga mahihirap na Pilipinong apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ibinigay ng BOC ang 320 containers ng bigas at 186 containers ng frozen bonito, mackerel, moonfish, pusit at galunggong sa Office of the Civil Defense (OCD) – Department of National Defense (DND), alinsunod sa direktiba ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez na gawing tulong sa mahihirap ang mga abandonadong kalakal na nasa pangangalaga ng BOC.
Nitong Martes, lumagda ng Deed of Donation ang BOC para sa mga nasabing kalakal na nasa Manila International Container Port (MICP). Ang mga ito ay abandoned/forfeited at itinuturing pag-aari na ng pamahalaan alinsunod sa Section 1129 at 1130 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Dagdag dito, ang nasabing donasyon ay alinsunod sin sa provisions ng Joint Administrative Order No. 20-01 na ang abandoned/forfeited cargoes ay ibibigay sa OCD para ipamahagi.
Upang matiyak na ligtas kainin ng tao ang mga donasyon, sasailalim sa pagsusuri at certification sa Bureau of Plant Industry at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga ito bago ipamahagi. (BOC/PIA-NCR)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038633