Mass testing isasagawa sa San Jose, Romblon

SAN JOSE, Romblon, Abr. 7 (PIA) — Target sa mga susunod na mga linggo ng Department of Health (DOH) na magsagawa na ng ‘mass testing’ sa mga nakahalubilo ng unang Covid-19 patient sa lalawigan ng Romblon na ngayon ay kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Aklan.
Sinabi ito ni Ralph Falculan, Development Officer ng DOH-Mimaropa at tagapagsalita ng DOH-Romblon, nang siya ay maging panauhin sa ginanap na Online Kapihan sa PIA-Romblon nitong Martes ng hapon.
“Dahil nga pinaplano ng ating Gobyerno na ma-test ‘yung karamihang nagkaroon ng contact [sa Covid-19 patient], ang [bayan ng] San Jose ay napabilang sa [mga magkakaroon ng] mass testing kasi nagkaroon tayo ng isang kaso [rito]. Ang i-test doon ay ‘yung mga nagkaroon ng close contact sa ating pasyente,” ayon kay Falculan.
Tapos na rin umanong magsagawa ng contact tracing ang mga tauhan ng Local Government Unit ng San Jose at ang Department of Health sa isla at nahanap na nila ang 37 katao na umaming nagkaroon ng close contact sa Covid-19 patient sa San Jose mula noong umuwi ito ng March 9 hanggang sa dalhin ng Aklan noong March 24.
Kasalukuyan umano silang naka-self quarantine at itinuturing na mga Person under Monitoring (PUM) ng ahensya.
Ang mga PUM ay kukunan ng mga swab samples at ipapadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para isalang sa tinatawag nilang polymerise chain reaction (PCR) test.
Inaprubahan kamakailan ng National Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang guidelines patungkol sa pagsasagawa ng mass testing sa mga piling tao sa bansa. Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang mga kwalipikadong magpa-test ay ang mga may severe at mild coronavirus symptoms, mga posibleng nahawaan dahil sa kanilang travel history, at mga taong nagkaroon ng contact sa isang COVID-19 patient. (PJF/PIA-Mimaropa)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038371