Mga kawaning frontliners ng Puerto Princesa, tatanggap ng hazard pay

PUERTO PRINCESA, Palawan, Marso 31 (PIA) – Makatatanggap ng P500 kada araw bilang hazard pay ang mga tumatayong frontliner sa lungsod ng Puerto Princesa na kawani ng lokal na pamahalaan.
Ito ay matapos na aprubahan sa special session ng Sangguniang Panlungsod ang ordinansa na nagbibigay ng kapangyarihan kay Mayor Lucilo Bayron na magkaloob ng nasabing halaga sa ilang mga empleyado nito na pisikal na pumapasok sa trabaho sa panahon ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kabilang sa mga tatanggap ng hazard pay ang mga kawani ng City Health Office (CHO), City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Oplan Linis, Solid Waste Management Office, City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), at iba pang nagre-report ng personal sa kanilang opisina.
Ang pondo para sa hazard pay ay kukunin sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa contract of service at personnel services ng mga regular na empleyado.
Kaugnay nito, pinapurihan din ng mga konsehal ang mga frontliner lalo na ang mga nasa serbisyong pangkalusugan at tauhan ng Pambansang Pulisya, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), maging ang mga sundalo na nakalantad sa banta ng nakababahalang sakit.
Samantala, maging ang pamahalaang nasyunal ay naglaan din ng hazard pay sa mga kawani ng gobyerno na sakop nito, sa parehong halagang tatanggapin kada araw.
Ikinatuwa naman ng ilang health workers sa mga komunidad ang naging aksyon ng pamahalaang lungsod dahil malaking tulong anila ang matatanggap na halaga sa kanilang mga pamilyang naiiwan sa kanilang tahanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. (LBD/PIAMIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1037684