Romblon PIATF babalangkas ng patakaran sa GCQ

ODIONGAN, Romblon, Abr. 24 (PIA) — Magpupulong muli sa susunod na linggo ang mga miyembro ng Provincial Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (PIATF-MEID) ng lalawigan ng Romblon para pag-usapan ang mga bagong patakaran kaugnay sa ipatutupad na General Community Quarantine (GCQ) sa susunod na buwan.
Sa text message ni Congressman Eleandro Madrona, co-chairperson ng PIATF-MEID, sinabi nitong magpapatawag sila ulit ng pagpupulong pag nakakuha na ng kopya ng inaprubahang guidelines mula sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Dito pag-uusapan kung ano-ano ang papayagang mag bukas na mga opisina o mga establisimiyento sa buong probinsya, at kung kakailanganin pa ba ang mga home quarantine pass sa ilalim ng GCQ.
Matatandaang, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF-MEID na hindi na isama ang Romblon, kasama ng Palawan sa Rehiyon ng Mimaropa at iba pang probinsiya sa bansa na napabilang sa lugar na mababa na lamang ang panganib sa coronavirus disease o COVID-19, sa pagpapalawig ng enhanced community quarantine.
Sa guidelines ng IATF-MEDI, ang mga lugar na nasa ilalim ng GCQ ay papayagan ng lumabas ang publiko mula sa kanilang mga bahay para bumili ng mga pangunahing pangangailangan ngunit ang mga edad 20 pababa at 60 pataas ay hindi makakalabas.
Inatasan rin ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad parin ng curfew sa gabi para sa mga hindi kailangang magtrabaho ng gabi.
Ang mass transportation katulad ng mga tricycle, jeep, vans ay papayagan ng bumiyahe ngunit nasa limited capacity lamang.
Tangi namang mga kargamento lamang ang papayagan na mag-operate sa mga airports at seaports. (PJF/PIA-Mimaropa)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1040004