Tagalog News: Bilang ng PUI sa Palawan, bumaba na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abr. 10 (PIA) — Bumaba ng 28.41 porsiyento ang bilang ng ‘Patients Under Investigation o PUI’ na naitala sa Palawan kahapon, Abril 9, ayon sa inilabas na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) tracker ng Department of Health (DOH) Mimaropa.
63 PUI na lamang ang naitala sa Palawan kahapon, kung saan ay mas mababa ito ng 25 kung ikukumpara sa bilang nito noong Abril 6 na 88 PUIs.
Tatlo na lamang sa mga ito ang naka-admit sa ospital at 60 naman ang naka-home quarantine. Samantala, nananatiling isa ang naitalang nag-positibo sa COVID-19 sa Palawan.
Dahil dito ay patuloy na nananawagan ang DOH-Mimaropa na mariing sundin ang payo na manatili na lamang sa mga tahanan habang ipinatutupad ang Extended Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ugaliin pa rin ang pagsasagawa ng mga preventive measures tulad ng pag huhugas ng kamay at tamang pag ubo. Panatilihin ang isang metrong layo mula sa mga tao o physical distancing.
Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag ang DOH-Mimaropa kahapon at mariing pinabubulaanan o itinatanggi ng nasabing ahensiya ang hinggil sa naisulat sa isang online newspaper sa Palawan na ang namatay na PUI sa Puerto Princesa kamakailan ay ikinokonsiderang positibo sa COVID-19.
Ayon sa pahayag ng DOH-Mimaropa, ang nasabing report ay nagdulot ng pangamba, takot at panic sa publiko. Kaya’t hinihikayat ng nasabing ahensiya ang mga media partners nito na maging responsable sa mga inilalabas na report sa publiko.
Matatandaan na ang nasabing PUI na namatay kamakailan ay hindi nakunan ng specimen sample upang ipasuri sa Research Institute for Tropical Medicines (RITM) dahil tumanggi ang pamilya nito. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038561