Tagalog News: Binhi para sa mga apektado ng ECQ sa Palawan, ipinamamahagi na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abr. 15 (PIA) — Nagsimula nang mamahagi ng mga pananim na binhi ang Department of Agriculture (DA) sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Palawan Agricultural Center (PAC).
Ito ay sa ilalim ng programang ‘Plant, Plant, Plant’ ng pamahalaang nasyunal kung saan hinihikayat ang mga mamamayan na magtanim sa kanilang bakuran habang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ).
Bilang ayuda sa mga pamilyang apektado ng ECQ dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), bibigyan ng DA ang bawat pamilya ng mga pananim na binhi ng gulay tulad ng kamatis, talong, sitaw, okra, kalabasa, at pipino.
Namamahagi rin ang DA ng libreng punla ng kasuy, kape, langka, at guyabano.
Layon ng programa na matiyak na may mapagkukunan ng sariwa at masustansiyang pagkain ang bawat pamilya, lalo na sa lungsod, sa mga kaparehong sitwasyon o panahon ng krisis.
“Kailangan nating tingnan ang lahat ng estratehiya upang patuloy parin ang produksyon, at suplay ng pagkain, lalo na sa mga ganitong panahon na may pagsubok,” sinabi ni Kalihim William DAR ng DA sa isang pahayag.
Bukod dito, habang umiiral ang ECQ, mayroon ding maaaring paglibangan ang mga pamilyang nahinto ang trabaho at naging limitado ang kilos bilang pag-iingat laban sa banta ng COVID-19. (LBD/PIAMIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038950