Tagalog News: Butuan Medical Center, mahigpit ang precautionary measures laban COVID-19
LUNGSOD NG BUTUAN, Abril 1 (PIA) — Mas pinaigting pa ng Butuan Medical Center (BMC) and pagsagawa ng precautionary measures laban sa pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19 upang paprotektahan ang mga pasyente nito, lalung-lalu na ang mga doktor at nurses.
Kaya naman malaking bagay din ito sa pagpapanatiling ligtas o negatibo sa kaso ng COVID-19 ang Caraga region. Ito ay matapos mag-negatibo sa COVID-19 ang siyam na swab samples sa pangalawang batch ng testing sa mga patients under investigation (PUIs) na sinuri sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Ayon kay Department of Health (DOH) Caraga regional director Dr. Jose Llacuna Jr., sa siyam na PUIs, anim nito ay naka-confined sa Caraga Regional Hospital sa Surigao City habang ang tatlo naman ay sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Surigao del Sur.
Patuloy naman ang paghihigpit habang ipinatutupad ang precautionary measures sa mga checkpoints, pamilihan at lalung-lalu na sa mga ospital.
Sa BMC, kung saan may 36 na mga doctor at 129 nurses ang patuloy na nagbibigay serbisyo at tumututok sa kondisyon ng mga pasyente, pinapatupad na nila ang “No visitors allowed” Policy at limitado sa isang watcher lang kada pasyente.
Ipinagbawal na ring pumasok ang mga outpatient at may nakatalaga na itong area sa labas ng nasabing pasilidad. Ito ay upang maiwasan ang close contact at pagkalat ng virus.
Dumadaan din sa thermal scanning at disinfection tent ang lahat ng indibidwal na pumapasok sa entrance ng ospital.
Ayon kay Paul Ritchie Pelos, head ng Quarantine Facility Unit sa Butuan Medical Center, may isang PUI na may mild case sa kanilang ospital at dalawa naman sa quarantine facility subalit bumubuti na ang kondisyon ng mga ito.
Dagdag pa ni Pelos, malaking bagay ang suporta at kooperasyon ng mga mamamayan sa mga barangay sa pagsunod sa mga health protocols at sa pagreport o pagkonsulta sa mga health workers at frontliners sa anumang impormasyon ukol sa COVID-19.
Pinaalalahanan din niya ang lahat para sa proper hygiene, regular na paghugas ng kamay, social distancing at manatili sa loob ng bahay.
“Panatilihin po nating ligtas ang ating mga sarili at pamilya laban sa COVID-19. Tayo po ay magkaisa na mawakasan na ang pagkalat ng nasabing virus. Manatili lang po kayo sa inyong mga tahanan habang ginagawa po naming mga frontliners ang aming tungkulin,” ani ni Pelos. (JPG/PIA-Caraga)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1037646