Tagalog News: Higit 426M natanggap ng Palawan mula sa ‘Bayanihan Grant’

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abr. 10 (PIA) — Aabot ng P426.712 milyon ang pondong ipamamahagi sa iba’t-ibang munisipyo sa Palawan bilang tulong pinansiyal mula sa ‘Bayanihan Grant’ ng pamahalaang nasyunal.
Ang nasabing halaga ng tulong pinansiyal ay nakapaloob sa P30.8 bilyong ‘Bayanihan Grant’ na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kamakailan para sa mga siyudad at mga munisipyo sa bansa na nasa ilalim ng Extended Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ang tulong na ito ay upang magamit ng mga lokal na pamahalaan sa pangangailangan ng bawat mamamayan para sa paglaban sa kinakaharap na pandemic ng bansa na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kung saan ang mga munisipyo at siyudad ay tatanggap ng tulong pinansiyal na katumbas ng isang buwang Internal Revenue Allotment o IRA ng mga ito para sa Fiscal Year 2020.
Sa inilabas na listahan ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Mimaropa kamakailan, batay na rin sa Department of Budget Management (DBM) Local Budget Circular No. 125, limang munisipyo sa Palawan ang nasa Top 5 na makakatanggap ng pinakamalaging bahagi ng ‘Bayanihan Grant’.
Nangunguna dito ang Bayan ng Taytay na tatanggap ng P33,966,422; sinusundan ito ng Bayan ng Brooke’s Point na tatanggap naman ng P33,319,605; pangatlo ang Bayan ng Roxas na tatanggap ng P31,228,838; pang-apat ang Bayan ng San Vicente na tatanggap ng 30,376,867; at pang-lima ang Bayan na Rizal na tatanggap ng P30,098,766.
Samantala makakatanggap din ang Lungsod gn Puerto Princesa ng halagang P248,624,308 mula sa ‘Bayanihan Grant’.
Ang pagbibigay ng ‘Bayanihan Grant’ ay batay sa Section 4 ng Republic Act (RA) No. 11469 o itong ‘Bayanihan to Heal As One Act’. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038565