Tagalog News: Higit P100M, ipinagkaloob sa OccMin 4Ps beneficiaries

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abril 9 (PIA) — Mahigit P100 milyon ang kabuuang halaga ng cash grants na tinanggap kamakailan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) sa lalawigan, at inaaasahang makatutulong sa mga ito ngayong may krisis dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ayon kay Reji Pancho, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Provincial Link, bawat isa sa 30,450 households ay tumanggap ng hindi bababa sa P2,400. Katulad sa nakaraang mga 4Ps payout, ang halaga ng cash grant ay depende sa dami ng mga anak ng bawat benepisyaryo na pumapasok sa paaralan. “Ang nakuha nila ngayon ay para sa buwan ng Disyembre (2019) at Enero (2020), saad pa ng Provincial Link.
Ipinaliwanag din ni Pancho na bukod sa bilang ng anak ng bawat benepisyaryo, basehan din sa pag-kompyut ng tinatanggap na cash grant ang pagtalima sa ilang kundisyon. Kabilang aniya dito ang regular na pagdalo sa Family Development Session (FDS), na kung sakaling hindi magawa ay mababawasan ang ayuda na ipinagkakaloob sa benepisyaryo. “Pero dito sa ipinagkaloob na cash assistance ngayon, hindi muna ipinatupad ang mga kundisyon, gaya ng pag-attend sa FDS, bilang kunsiderasyon sa sinapit ng karamihan dulot ng bagyong Tisoy at Ursula noong Disyembre 2019, ” ayon pa kay Pancho. Idinagdag pa nito na umakma rin ang payout sa panahong higit na kailangan ng mga mamamayan, lalo ng mahihirap, ng tulong-pinansyal , upang makaagapay sa umiiral na krisis ngayon, ang COVID pandemic.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Pancho na upang matiyak na may social distancing ang mga 4Ps beneficiaries sa pagkuha ng kanilang pera sa ATM machines, ay nagbigay sila ng schedule sa mga ito. “Nakipag-ugnayan din tayo sa iba’t ibang pamahalaang lokal (LGU), upang matiyak na mabibigyan sila ng pahintulot na lumabas ng bahay para sa kanilang pagkuha ng pera,” ani Pancho. Dagdag pa ng Provincial Link, mahigpit din nilang ibinilin sa mga ito ang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa iba pang mga tagubilin ng pamahalaan laban sa COVID-19, tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay at pagdadala ng alcohol/sanitizer kung lalabas ng bahay.
Samantala, nilinaw naman ni Pancho na may ilang households, na bagamat kasapi ng Pantawid, ay hindi nakatanggap ng cash grant dahil wala pang EMV card. Gayunman, ipinakiusap aniya nila ang mga ito sa kan-kanilang LGU upang suportahan o mabigyan ng tulong gaya ng food packs.
Panawagan din ng 4Ps link ng Occ Min na sakaling may mga katanungan o anumang bagay na nais isangguni ang mga kasapi ng Pantawid sa kanilang tanggapan, mangyaring makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng tawag o text sa 0929-4133962 o 0917-4397354. (VND/PIA MIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038649