Tagalog News: Kadiwa store ng DA 12 biyaheng Cotabato City sa Abril 8

LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Abr. 5 (PIA) – Tutungo sa Cotabato City ang Kadiwa ni Ani at Kita on Wheels ng Department of Agriculture sa Abril 8, Miyerkules, para maglako ng presko at murang produkto ng mga lokal na magsasaka at mangingisda sa mga residente ng siyudad na apektado sa nagpapatuloy na enhanced community quarantine dahil sa coronavirus pandemic.
Sinabi ni Andy Ango ng Agribusiness and Markering Assistance Division (AMAD) ng DA 12 sa panayam ng Philippine Information Agency na layunin ng Kadiwa store-on-wheels na makapaghatid ng pagkain sa mga pamilya na nahihirapang lumabas ng tahanan dahil sa umiiral na community quarantine at lockdown.
Layunin din ng proyekto na makatulong sa mga magsasaka at mangingisda na mailabas ang kanilang produkto at kumita habang nagpapatuloy ang community quarantine.
Kabilang sa mga produktong inilalako sa Kadiwa ang bigas, gulay, karne, manok, isda, prutas, at marami pang iba na kinolekta ng DA mula sa mga magsasaka at mangingisda katuwang ang Agricultural Training Institute (ATI), National Meat Inspection Service (NMIS), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Dairy Authority (NDA), mga lokal na pamahalaan, at iba pang partner.
Ayon kay Ango, ang unang hinto ng Kadiwa ni Ani at Kita on Wheels sa Cotabato City ay sa Barangay Rosary Heights 3 para sa mga residente ng barangay Rosary Heights 1, 2, 3, 4, at 5.
Lilipat ito sa pagitan ng Barangay Poblacion 8 at Poblacion 9.
Huli itong hihinto sa Barangay Tamontaka 4 para sa mga residente ng mga barangay ng Tamontaka 3, 4, at 5. (DED/PIA XII)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038126