Tagalog News: LGU Kalayaan binili ang produktong bigas ng magsasakang lokal bilang suporta
BAY, Laguna, Abril 23 (PIA) – Bilang suporta sa mga lokal na magsasaka, binibili na ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan ang produktong bigas ng mga ito upang gamiting ayuda sa kanilang nasasakupan.
Hindi na mahihirapan pa ang mga lokal na magsasaka sa bayan ng Kalayaan na ibenta ang kanilang aning bigas habang sumasailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19 sapagkat ang Lokal na Pamahalaan ng Kalayaan na mismo ang bumibili nito.
“Ginawa namin ito to support local produce po. Mas malaki po ang kita ng farmers kung bigas nila ang ibebenta,” paliwanag ni Municipal Agriculturist Liza Yee.
Aniya ang mga bigas na binibili ng pamahalaang lokal ay magiging bahagi ng food pack para sa mga mamayan habang nasa ilalim ng ECQ. Sa halip na sa labas pa ng bayan kumuha ng bigas ay sa mga sariling magsasaka na sila bumili.
Dagdag pa niya, panahon ng anihan ngayon kaya naman masisiguro na masarap ang bigas na maipamamahagi dahil bagong ani.
“Consolidation po sa magsasaka ang nangyayari para marami rin po ang nabibilhan at ang nagkakapera agad.”
Ang suplay na binili ay mga pinagsama-samang bigas na ani ng iba’t ibang mga magsasaka upang lahat ay magkaroon ng pagkakataon na kumita.
Ang isang sako aniya ay nagkakahalagang P2,000 na naglalaman ng 50 kilong bigas.
Nais aniya nilang magkaroon ng market para sa mga magsasaka dahil hirap rin silang maghanap ng mapagbebentahan ng kanilang ani dahil sa ECQ.
Dagdag pa ni Yee, “bukod pa po iyong bigas na itinitinda po sa FITS Kalayaan na galing rin sa farmers.”
Ang Farmers Information and Technology Services o FITS Kalayaan sa ilalim ng Tanggapan ng Agrikultura ang programang tumutulong sa mga lokal na magsasaka di lamang ng bigas kung hindi maging mga nagtatanim ng prutas at gulay na maipagbili nang diretso sa mamamayan ang kanilang mga produkto.
Nagparating naman ng mensahe ng pagpapahalaga ang Municipal Agriculturist para sa mga magsasaka di lamang sa kanilang bayan kundi sa buong bansa.
“Saludo kami sa inyo! Farmers are heroes. Kayo po ang backliners at kung wala kayo, wala po tayong kakainin. Kaya’t mahalaga po ang inyong ginagampanan sa ating bayan, sa bansa lalo na sa panahon ng krisis na ganito,” sinabi niya.
Kaya’t panawagan niya na sana ay patuloy na mabigyan ng pansin ang mga magsasaka at mangingisda, at masuportahan pa ang kanilang mga pangangailangan upang higit na mapaunlad ang Agrikultura sa mga pamayanan.
“Nawa’y patuloy na tangkilikin ang mga lokal na produkto ng ating bayan.”
Aniya patuloy ang adhikain ng Lokal na Pamahalaan ng Kalayaan na mapabuti ang kalagayan di lamang ng mga magsasaka kundi maging ng mga mangingisda sa kanilang bayan lalo na sa kasalukuyan na humaharap tayo sa suliraning dulot ng banta ng COVID-19. (Joy Gabrido)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1039804