Tagalog News: OMSC Mamburao, patuloy ang pag-monitor sa mga estudyanteng apektado ng ECQ

MAMBURAO, Occidental Mindoro, April 2 (PIA) – Patuloy ang pagmo-monitor ng pamunuan at mga guro ng Occidental Mindoro State College (OMSC)-Mamburao sa kanilang mga estudyante na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Dr. Cristina Caponpon, OMSC -Mamburao Director, agad nilang ipinarating sa tanggapan ni OMSC President Marlyn Nielo ang ulat na may mga mag-aaral ng OMSC San Jose at Mamburao na hindi nakauwi ng kani-kanilang bayan at probinsya.
“Kaya bumuo ng chat group sa social media ang mga adviser upang makita kung sinu-sino ang mga kabataang ito,” paglalahad ng direktor.
Sa pamamagitan ng chatgroup ay nabatid ng pamunuan na marami ang na-stranded sa kani-kanilang tinutuluyang dormitoryo.
“Ang unang direktiba ni President Nielo ay gawan ng paraan na maiuwi ang mga mula sa ibang bayan na sakop ng lalawigan,” ani Caponpon. Nagawa naman aniya ito sa pakikipagtulungan sa kanila ng mga opisyales ng pamahalaang lokal (bayan at lalawigan). Subalit, dagdag ng opisyal, ang mga estudyanteng taga-Romblon, Palawan at Oriental Mindoro ay naiwan at hindi makauwi sa kanilang pamilya.
Sinabi ni Caponpon, “napagpasiyahan namin na bigyan ang mga naiwang mag-aaral ng food packs na tatatagal hanggang 25 araw.”
Ang nasabing food packs ay naglalaman ng 10 kilong bigas, isang tray ng itlog at mga pagkaing de-lata. Paliwanag ng direktor, nagbigay sila ng mga pagkain upang matiyak na hindi na lalabas ang mga estudyante sa kanilang tinutuluyan, bilang pagtalima sa itinatakda ng ECQ.
Dagdag pa ni Caponpon, bukod sa mga taga-ibang probinsya, may ilan ding mag-aaral na nabibilang sa Person with Disability (PWD) at Indigenous Peoples (IPs) ang stranded sa kanilang tinutuluyan. May isang self-supporting student na wala ring pagkukunan ng pambili ng pagkain dahil pansamantalang nagsara ang pinagta-trabahuhan nito kaya sinusuportahan din ng paaralan. “Ang mahalaga ay ligtas silang lahat, at walang sinuman na tinamaan ng Coronavirus Disease,” saad pa ni Caponpon.
Ipinayo naman ng direktor sa kanilang mga estudyante na huwag mag-aksaya ng oras sa panahon ng tila napaaga nilang bakasyon.
“Alam naman na nila ang laman ng syllabus, kaya inaasahan naming magbabasa sila at patuloy na mag-aaral habang umiiral ang ECQ, ” paalala pa ni Caponpon. (VND/ PIA MIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1037892