Tagalog News: Pamamahagi ng SAP sa Puerto Princesa, umarangkada na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abril 21 (PIA) –- Pinatutupad na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Puerto Princesa ang pamamahagi ng emergency subsidy sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaang nasyunal.
Ayon kay Lydia del Rosario, hepe ng CSWDO, Abril 16 nang simulan nila ang pamamahagi ng halagang P5,000 sa bawat kabahayan sa malalayong barangay ng lungsod.
Sa ika-apat na araw ng pamamahagi ng benepisyo, mayroon ng 29 barangay sa lungsod ang nakatanggap ng SAP, habang may 18 barangay na karagdagang tutunguhin ang grupo.
“Out of 66 barangays ng Puerto Princesa, mayroon nang 29 barangays po kaming napuntahan, ngayon po may tatapusin na naman tayong 18, dito po ‘yan sa poblacion area,” tinuran ni del Rosario sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod nang siya ay imbitahan sa plenaryo.
“Maayos naman po ang naging sistema natin at napapanatili ang ‘social distancing’, bagamat may isang barangay po na biglang dumagsa ang mga tao pero in-assist naman po kami ng ating mga pulis,” dagdag pa ni del Rosario.
Nilinaw ni del Rosario na sa 36,000 benepisyaryo na kanilang naitatala, posible aniyang mabawasan pa ang bilang na ito, lalo pa’t sa kanilang isinasagawang balidasyon ay marami ang kanilang inaalis sa listahan matapos na mag-doble ang ibang pangalan, at ang ilan naman ay hindi kuwalipikado sa programa.
Aniya, kung may natatanggal, ay mayroon ding naidadagdag sa listahan, partikular ang mga bagong pangalan na kinalap ng barangay.
“Mayroon tayong 3,000 benepisyaryo na bagong nakalista para sa SAP, sasalain pa rin ito ng aming opisina,” aniya pa.
Samantala, bukas din sa ngayon hanggang sa araw ng Biyernes, Abril 25 ang CSWDO upang tumanggap ng mga apila o nais maisama sa programa na hindi nabahaginan ng social amelioration card (SAC). (LBD/PIAMIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1039682