Tagalog News: PPEs at medical supplies, ipinamahagi sa mga frontliners sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abr. 9 (PIA) — Tuloy-tuloy ang isinasagawang pamamahagi ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng mga ‘personal protective equipment (PPEs) at mga medical supplies sa mga frontliner sa Palawan.
Ang mga nasabing kagamitan at medical supplies ay pinondohan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ng halagang P17 milyon mula sa PDRRM fund. Dumating ang mga ito sa lalawigan noong Abril 5.
Ayon kay PDRRM Officer Jeremias Alili, matapos mai-turn over sa kanila ang nasabing mga kagamitan ay agad ding sinimulan ang pamamahagi nito sa mga munisipyo noong Abril 6. Ginagamit ang mga pribadong eroplano ng Gobernador para mapabilis ang pag-deliber ng mga medical supplies sa mga island municipalities ng Palawan. Sa ganitong paraan, may nagagamit kaagad ang mga frontliner bilang proteksiyon habang tinutupad ang kanilang tungkulin sa mga pasyenteng pinaghihinalaang may Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kahapon, tumanggap na ng mga PPE kontra COVID-19 ang mga islang munisipyo ng Cuyo, Agutaya at Magsaysay.
Ang nasabing mga kagamitan ay kinabibilangan ng isolation cap, isolation gown, eyewear, N95 facemask, surgical mask, face shield, sterile gloves at non-contact thermometer. (OCJ/MIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1038441