PENRO-Quezon isinusulong ang proyektong ‘Gulayan’

LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Abril 24 (PIA)–Inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources Office-Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) Quezon sa lungsod na ito kamakailan ang proyektong ‘Gulayan’.
Sinabi ni Julieta Abuejela ng DENR-PENRO-Quezon na layunin ng proyekto na makatulong sa pagkakaroon ng sariling pagkain sa sariling bakuran habang ang bansa ay apektado ng COVID-19.
Sa proyektong ito, hinihikayat ang lahat ng kawani ng DENR-PENRO-Quezon sa buong lalawigan gayundin ang iba pang mga residente sa Quezon na magtanim ng gulay sa kani-kanilang mga bakuran.
Sinabi naman ni Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Alfredo Palencia na ang proyektong ‘Gulayan’ ay maaaring gawin sa harap o likod ng bakuran. Kung wala namang espasyo tulad ng bakuran, maaaring gamitin ang mga recyclable materials kagaya ng plastic na bote ng softdrinks at tubig, lata ng gatas, galon ng ice-cream at iba pang mga lalagyan na maaaring pagtaniman.
“Ang mga pwedeng mabulok kagaya ng balat ng prutas at gulay at iba pa ay maaaring gawing compost at mga pataba sa mga pananim na gulay at ito ay suporta na rin sa ecological solid waste management ng bansa,” sabi pa ni PENRO Palencia
Ayon pa kay Palencia, sa kasalukuyan ay mayroon ng iba’t-ibang buto ng gulay kagaya ng petchay, mustasa, labanos, upland kangkong, sitaw, kalabasa at okra ang nakahandang ipamahagi sa mga kawani ng DENR-PENRO-Quezon samantalang ang ibang pananim ay nauna na ring naipamahagi.
Kaugnay nito, hinihikayat din ang lahat na kawani ng DENR-PENRO-Quezon at iba pang mga lokal na residente sa lalawigan na gamitin ang konsepto ng ‘Tayo ang Kalikasan, Sustainable Re-greening and the Art of Compsoting’ (TAK-SRAC). (Ruel Orinday-PIA-Quezon with reports from Julieta Abuejela of DENR-PENRO-Quezon)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1039881