I Am Athan

Kakampink

Blogger

Social Media Influencer

Nurse

I Am Athan

Kakampink

Blogger

Social Media Influencer

Nurse

Blog Post

Tagalog News: DTI nagbabala laban sa mga susuway sa price freeze 

April 15, 2020 Uncategorized
Agad na naglabas ng SRP ang pamahalaang lokal ng San Jose, sa mga pangunahing produkto sa kanilang Pamihilihang Bayan. Layon ng SRP na magsilbing batayan ng mga mamimili sa dapat na umiiral na presyo ng mga bilihin sa palengke. (LGU San Jose) 

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abr. 14 (PIA) — Muling nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) Occidental Mindoro na maaring patawan ng hanggang P1 milyong multa o pagkakakulong ng hanggang 10 taon ang mga maninindahan na magtataas ng presyo ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Ipinaliwanag ni Ferdinand Aparri, OIC- Provincial Director ng DTI, na mahigpit ang pagbabawal sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin o price freeze alinsunod sa idineklang state of calamity sa buong bansa ng Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan, kung saan nakapaloob din ang ECQ bunsod ng COVID-19 pandemic.

“Mananatili ang nasabing price freeze sa loob ng 60 araw maliban na lang kung mas maaga itong ipawalang bisa ng Pangulo,” ayon kay Aparri.

Partikular na tinukoy ni Aparri ang mga pangunahing bilihin na hindi dapat gumalaw ang presyo at nasa ilalim ng monitoring ng DTI, batay sa Republic Act 7581 o Price Act. Ang mga ito ay de-latang pagkain, processed milk, coffee, detergent at laundry soap, asin, locally- manufactured noodles, tinapay, at bottled water. Dagdag pa ni Aparri, ang iba pang prime commodities ay binabantayan naman ng ibang mga ahensya ng pamahalaan.

“Ang Department of Agriculture (DA) ang nagmomonitor sa bigas, mais, mantika, marine products, itlog, karne ng baboy, baka at manok, sea weeds, gulay at iba pa,” pahayag ng opisyal. Tinututukan aniya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang panggatong na kahoy at uling, habang liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene ang sa Department of Energy (DOE), at mga gamot at kaugnay na produkto naman sa Department of Health (DOH).

“Nagsasagawa din kami ng special monitoring sa produkto ng ibang ahensya,” ayon pa rin kay Aparri.  Sinabi pa nito na ang mga datos na kanilang nakakalap ay ipinapadala nila sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan para sa karampatang aksyon.

“Nang ilagay sa ECQ ang Luzon, dumagsa sa social media ang mga reklamo kaugnay ng biglang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa palengke,” kwento ni Aparri, kaya naman agad nakipagpulong ang kanilang tanggapan kina Municipal Agriculturist Romel Calingasan at mga tagapamahala ng Pamilihang Bayan ng San Jose. Aniya, agad naglabas ng Suggested Retail Price ng mga pangunahing produkto ang pamahalaang lokal (LGU) at mas pinaigting ng Municipal Agriculturist Office ang araw-araw na bantay-presyo upang matiyak na hindi aabuso ang mga nagtitinda sa palengke.

Binigyang diin ng opisyal na dapat seryosohin ng lahat ang pagtalima sa mga probisyon ng Price Act lalo na ang Price Freeze dahil tiyak aniyang aaksyunan ng DTI ang mga sumbong ng mga consumers.

Ang Price Freeze ay bahagi ng pagtitiyak ng pamahalaan na may sapat na supply ng mga bilihin sa tamang presyo lalo sa panahong may kinakaharap na krisis ang bansa. (VND/PIA MIMAROPA)

source https://pia.gov.ph/news/articles/1038883

Facebook Comments Box
Related Posts

Discover more from I Am Athan

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading